Tuwing sasapit ang buwan ng Agosto, tayong mga Pilipino ay nagtitipon-tipon upang ipagdiwang sa makulay na pamamaraan ang ating pagmamahal sa ating Wikang Pambansa, ang wikang Filipino. Atin itong ipinagdiriwang upang ipaalala sa atin ang kahalagahan ng Wikang Filipino sa paghulma ng ating pagkakakilanlan, kultura, at ng ating pagiging makabansa. Hinihikayat tayo ng pagdiriwang na ito na bigyang halaga ang ating wika at upang mapanatili itong buhay at patuloy na yumayabong.
Ngayong ika-30 ng Agosto taong kasalukuyan, napuno ng masasayang hiyawan ng mga mag-aaral ang buong CSQ Gymnasium ng Northwestern Visayan Colleges nang kanilang matunghayan ang iba't ibang uri ng pagtatanghal na inihanda ng mga piling mag-aaral sa kolehiyo upang ipagdiwang at ipakita ang kanilang pagmamahal sa ating Wikang Pambansa. Ang lugar ng pagdiriwang ay napuno ng mga makukulay na sayaw, naggagandahang awitin, magagarbong kasuotan na ipinakita ng naggagandahang mga lakan at lakambini ng paaralan, at nagkaroon din ng mga pagsasadula, pagbasa ng tula, balagtasan, at sabayang pagbigkas. Sa mga oras ding iyon ay nagbigay ng mensahe ang panauhing pandangal na si Gng. Jasper Mae M. Blanco. Kanyang binigyang-diin ang kahalagahan ng pagkakaroon ng adhikain na nakaugat sa ating Wika. Nagpatuloy siya sa kanyang mensahe at sinabi kung gaano kahalaga ang mga kabataan sa panahon ngayon sa pagpapalaganap, pagpapayaman, at pagpapaunlad ng Wikang Pambansa sa pamamagitan ng mga makabagong teknolohiya, na kasabay ng wika, ay patuloy na lumalago at napagyayaman. Sa pagtatapos, ang isang buwang pagdiriwang na ito ay sumisimbolo sa malalim at matatag na pagpapahalaga ng institusyon ng NVC sa pagpapaunlad ng pagmamahal sa wika, sa puso at isip ng bawat manggagawa at mag-aaral nito. Nawa'y ating dalhin at ipagdiwang ang yaman ng ating kultura at kagandahan ng ating wika sa pang-araw-araw nating pamumuhay. Ating patuloy na pahalagahan ang wikang naging sandata upang tayo'y magkaroon ng kalayaang tinatamasa natin ngayon, na siya ring ipapamana at ipaparanas sa mga susunod pang henerasyon. Sa panulat ni: Queesy Anne C. Lozada, 11-HUMSS 1
Comments
Post a Comment